Manila, Philippines – Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukalang magpapataw ng mabigat na parusa sa mga mapagsamantalang market vendor.
Ang panukala ay inis-sponsoran ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa ilalim ng panukala, aabot sa ₱300,000 ang multa o limang taong pagkakakulong ang ipapataw na parusa sa mga mangungulikot sa ‘Timbangan ng Bayan’ center na ilalagay sa lahat ng public at private markets sa buong bansa.
Sa ngayon kasi ang multa lamang ay 200 hanggang 1,000 piso at may isang taong pagkakakulong.
Ayon kay Arroyo, ang pagtatatag ng ‘Timbangan ng Bayan’ center ay magbibigay sa publiko ng epektibong paraan sa pagsuri ng tamang bigat at bilang ng produktong kanilang bibilhin.
Mapipigilan nito ang mga hindi tapat na vendor sa pagsasagawa ng iregular na pagtitinda.
Layunin din ng panukala na amyendahan ang Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines.