LUSOT NA | Panukalang national ID system, aprubado na sa bicam

Manila, Philippines – Aabot sa P30 bilyon ang magiging gastos para mabigyan ng national ID ang lahat ng Pilipino matapos magkasundo ang Kamara at Senado sa bersyon ng panukalang batas ukol dito.

Batay sa napagkasunduan ng bicameral conference committee, magkakaroon ng P2 bilyon sa 2018 budget para sa panimulang rollout ng proyekto.

Target na makapagbigay ng ID ngayong taon sa 1 milyong Pinoy na mga nasa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Persons With Disabilities, (PWDs), senior citizen, at indigents o maralita sa Metro Manila, Region IV-A, at Cordillera Administrative Region.


Aniya, tatagal naman ng hanggang 5 taon bago masaklaw ang lahat ng Pinoy sa gastos na aabot ng P30 bilyon.

Kasama sa nakalagay sa national ID ang magiging numero ng mamamayan sa ilalim ng Philippine Identification System o PHILSYS, buong pangalan, kasarian, blood type, lugar at petsa ng kapanganakan.

Ipapasok din ang mga naturang datos sa database kasama na ang mobile number, email address, at biometric data gaya ng fingerprints at iris scan.

Puwedeng baguhin ng cardholder ang datos anumang oras at libre ang unang card pero kapag nawala o nasira, may bayad ang kapalit.

Kasama sa mga ahensiyang puwedeng pagkuhanan ng ID ang Philippine Statistics Authority (PSA), Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), PhilHealth, Pag-IBIG Fund, at PhilPost.

Facebook Comments