Manila, Philippines – Inaprubahan na rin sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala para ipareho sa militar ang rank classification ng mga pulis.
Sa botong 166 yes at 6 no ay nakalusot sa plenaryo ang panukala para sa modified rank classification ng PNP uniformed personnel.
Inaamyendahan ng inaprubahang house bill 5236 ang section 28 ng RA 6975 o ang Department of Interior and Local Government Act of 1990.
Ayon kay Public Order and Safety Chairman Romeo Acop, layunin ng panukala na linawin ang mga ranggo sa PNP at itulad ito sa AFP dahil mas sanay at mas alam ng publiko ang military terminologies.
Mula sa Director General ng PNP ay gagawin na itong Police General; Police Lieutenant General mula sa Deputy Director General; Police Major General mula sa Director; Police Brigadier General mula sa Chief Superintendent; Police Colonel mula sa Senior Superintendent; Police Lieutenant Colonel mula sa Superintendent; Police Major mula sa Chief Inspector; Police Captain mula sa Senior Inspector; at Police Lieutenant mula sa Inspector.
Ang Senior Police Officer IV ay tatawaging Police Master Sergeant; ang Senior Police Officer 3 ay magiging Police Technical Sergeant; ang SPO2 ay magiging Police Staff Sergeant; ang SPO1 ay magiging Police Sergeant; ang PO3 naman ay tatawaging Police Corporal; ang PO2 naman ay Patrolman First Class; at PO1 naman ay tatawaging Patrolman.