LUSOT NA | Timbangan ng Bayan Centers, pasado na sa ika-3 at huling pagbasa ng Kamara

Manila, Philippines – Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7857 o ang Timbangan ng Bayan Centers na ilalagay sa lahat ng palengke sa buong bansa.

Ang panukala na inihain ni House Speaker Gloria Arroyo ay nakakuha ng 199 Yes votes at wala namang tumutol dito.

Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang lahat ng lokal na pamahalaan na maglagay ng timbangan center sa mga pamilihan sa kanilang nasasakupan kasama na dito pati ang mga tiange.


Ang timbangan ay libreng magagamit ng sinuman na gustong siguruhin na tama ang timbang ng kanilang biniling produkto.

Irerecord dito ang biniling produkto, pangalan ng tindahan o establisyimentong pinagbilhan at may-ari lalo na kung kulang sa timbang ang nabiling produkto.

Ang sertipikasyon na makukuha mula sa i-isyu ng market supervisor ay maaaring gamiting ebidensya sakaling may reklamo ang mga mamimili.

Ipinagbabawal din sa panukala ang pag tamper o sadyang pagsira sa instrumento sa timbangan center.

Ang mga lalabag sa oras na maging ganap na batas ito ay pagmumultahin ng P50,000 hanggang P300,000 at makukulong ng hanggang limang taon.

Facebook Comments