Manila, Philippines – Pasado na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 8083 o ang TRAIN 2 na mas kilala bilang TRABAHO Bill.
Ito ang ikalawang tax reform package ng Duterte administration.
Sa ilalim ng TRAIN 2 o TRABAHO bill, ibababa sa 20% ang corporate income tax ng mga kumpanya mula sa kasalukuyang 30%.
Uumpisahan itong ipatupad sa 2021 kung saan 2% ang bawas kada taon hanggang tuluyang maibaba sa 20%.
Ira-rationalize din ang mga insentibo na ibinibigay sa mga negosyo para sa karapat-dapat na kumpanya.
Kasama sa ira-rationalize ang mga insentibo na iginawad sa ilalim ng isang daan at dalawamput tatlong special laws.
Ang insentibo ay binibigay ng gobyerno para tulungan ang mga nagsisimulang negosyo na lumago.
Pero base sa data, 57% ng mga kumpanya na may insentibo ngayon ay wala na sa tinatawag na infancy stage o matagal na sa negosyo habang 43% naman ang sinasabing nangangailangan ng tulong o proteksiyon.