
Iimbestigahan ng Bureau of Customs (BOC) ang mga luxury cars na pag-aari ng pamilya ng dating Pasig mayoral candidate na si Sarah Discaya.
Ito ay upang alamin kung may naging paglabag sa pag-i-import ng nasa 40 na mamahaling sasakyan na ibinida ni Discaya sa ilang interview bago ang 2025 midterm elections.
Sa isang panayam, sinabi ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na sisiyasatin ng ahensiya ang mga consignee sa pag-i-import nito.
Isa si Discaya sa mainit na pinag-uusapan sa gitna ng isyu ng palpak o ‘ghost’ flood control projects.
Siya rin ang nagmamay-ari ng ilang kumpanyang pinangalanan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nakakuha ng maraming kontrata sa flood control projects.
Kamakailan nang bumisita sa Calumpit, Bulacan ang Pangulong Marcos Jr. kung saan dismayado ito nang makita ang palpak na flood control project at inatasan ang contractor nito na St. Timothy Construction Corporation na magpaliwanag.
Wala pang pahayag si Discaya kaugnay dito.









