MAAGANG CLEARING SA MGA PUNO NA MALAPIT SA LINYA NG KURYENTE, PANAWAGAN SA ILANG BARANGAY SA WESTERN PANGASINAN

Panawagan ng pamunuan ng Pangasinan I Electric Cooperative sa nasasakupang 192 barangay councils na magsagawa na ng maagang clearing sa mga linya ng kuryente bilang bahagi ng paghahanda sa pagdating ng Bagyong Uwan.

Inirerekomendang hakbang ang pagputol o pag-alis ng mga sanga at halamang malapit sa power lines, pag-aalis ng magaang materyales at debris na maaaring tangayin ng hangin, at pagmomobilisa ng barangay volunteers para bantayan ang mga kritikal na lugar.

Ayon sa tanggapan, malaki ang maitutulong ng mga ito upang mabawasan ang pinsala at mapabilis ang pagsasaayos ng kuryente matapos ang bagyo.

Nauna nang inihayag ng PANELCO I na posibleng makaranas ng power interruption ang mga member-consumers bilang pag-iingat sa mga linya kapag lumakas ang hangin dulot ng bagyo.

Sakali man na makapagtala ng pinsala, tiniyak din na agad magsisimula ang pagkukumpuni sa linya ng kuryente kapag ligtas na ang kondisyon para sa mga lineman.

Matatandaan na ilang kawani mula sa ilang electric service providers sa rehiyon ang ipinadala sa Western Pangasinan upang tumulong sa pagkukumpuni ng linya ng kuryente matapos patumbahin ng nagdaang Bagyong Emong ang mga poste at puno sa lalawigan.

Facebook Comments