Wednesday, April 8, 2026

Maagang inventory at turn-over ng mga ari-arian at dokumento ng mga Barangay at SK sa buong bansa, ipinag-utos ng DILG

Pitong buwan bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ipinag-utos na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang imbentaryo at preparasyon para sa turn-over ng mga Barangay at Sangguniang Kabataan sa buong bansa.

Batay sa memorandum circular no. 2026-021, inatasan ang lahat ng opisyal na i-account nang buo ang mga ari-arian, financial records, dokumento, at salaping pananagutan bago maupo ang mga bagong halal na opisyal sa Nobyembre.

Ipinag-utos sa mga punong barangay na buuin ang barangay inventory teams (BITS) at sa mga SK Chairperson na magtatag ng SK Inventory Teams (SKITS) kasama ang mga kinatawan ng komunidad para sa initial at final na imbentaryo.

Makikipagtulungan ang mga BIT at SKIT sa city at municipal assessment and transition teams upang masiguro ang pagtalima sa umiiral na mga batas, alinsunod sa presidential decree no. 1445, local government code of 1991, at sk reform act of 2015.

Dahil dito ay nagbabala ang DILG na ang pagkabigong magsauli nang kumpleto at tapat ng mga pag-aari ng pamahalaan ay mauuwi sa administratibo at legal na pananagutan.

Ang Barangay at SK Election ay nakatakdang idaos sa bansa sa unang araw ng Lunes sa darating na buwan ng Nobyembre.

Facebook Comments