Maagang pagbili ng bansa ng COVID-19 vaccine na walang kapalpakan, bahagi ng Christmas wish ni Senator Lacson

Pangunahin sa Christmas wish ni Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson na malagpasan ng mga Pilipino ang COVID-19 pandemic.

Kaakibat ng Christmas wish ni Lacson na makabili nang maaga ang bansa ng COVID-19 vaccine at sana ay wala nang maging kapalpakan hinggil dito.

Ang pahayag ni Lacson ay makaraang mapurnada ang unang transaksyon ng gobyerno sa Pfizer na target sanang mag-deliver ng bakuna sa bansa sa Enero ng susunod na taon.


Umaasa si Lacson na hindi na mauulit ang sinasabing pagkukulang ni Health Secretary Francisco Duque III kaya naunsiyami ang nabanggit na deal sa Pfizer.

Iginiit din ni Lacson sa mga miyembro ng gabinete, lalo na kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na huwag ng ipagtanggol si Duque at sa halip ay tulungan na lang ito para magawa nang maayos ang kanyang trabaho para sa kapakanan ng mamamayan.

Facebook Comments