Maagang pagboto ng mga senior citizen at PWD, isinusulong ng isang senador

Binuhay ni Senator Lito Lapid ang panukala para sa maagang pagboto ng mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) sa gitna ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa October 30.

Nakapaloob ito sa Senate Bill 2361 na inihain ni Lapid kung saan pinaglalatag ng sistema ang Commission on Elections (COMELEC) para sa early voting ng lahat ng kwalipikadong senior citizens at mga may kapansanan.

Sa ilalim ng panukala ay pinabibigyan ng pagkakataon ang mga nasabing sektor na bumoto sa loob ng pitong araw sa kahit saan mang accessible establishments na tutukuyin ng COMELEC bago ang nakatakdang petsa ng lokal at pambansang halalan.


Tinukoy ng senador na mayroong limitasyong pisikal at medikal ang mga senior citizens kaya mahihirapan silang pumila ng mahaba at makaboto kasabay ng ilang mga botante sa kanilang mga presinto.

Iginiit ni Lapid na hindi dapat ma-disenfranchise o hindi makaboto ang milyung-milyong mga senior citizens at PWDs sa mga susunod na halalan.

Umaasa ang senador na mapapagtibay ang panukala bago sana sumapit ang 2025 elections.

Facebook Comments