Mas maagang pagkuha ng travel authority, ipinayo ng PNP sa mga uuwi sa probinsya at sasakay ng eroplano

Pinapayuhan ng Philippine National Police (PNP) ang mga locally stranded individuals mula sa Metro Manila na pauwi sa mga lalawigan na mas agahan ang pagkuha ng travel authority.

Ayon kay Joint Task Force COVID Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, kailangan ng panahon ng PNP para makipag-ugnayan sa Local Government Unit (LGU) sa probinsya na tatanggap sa mga pauwing indibidwal.

Aniya, ito ang dahilan kaya’t hindi ora-orada ang pag-uwi kahit may travel authority na ang isang tao na sasakay sa eroplano.


Sinabi ni Eleazar na mahalagang hintayin ang tugon ng kanilang LGU sa probinsya bago umalis ng Metro Manila.

Bahagi aniya ito ng protocol na dapat alam ng mga LGU na may parating sa kanila para sila ay makapaghanda.

Para mapadali naman ang proseso ay binigyan ng kapangyarihan ang Aviation Security Group (AVSEGROUP) na magbigay na rin ng travel authority.

Pero kailangan pa ring may dalang Barangay Certificate at Health Clearance mula sa City Health Office ang sinumang pasahero.

Sa ngayon, maraming pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang hindi pa rin makaalis dahil sa problema sa travel authority at hindi pa naaabisuhan ang kanilang LGU sa probinsya.

Facebook Comments