Pinag-aaralan ngayon ng Civil Service Commission (CSC) na pababain ang mandatory at optional retirement age para sa mga government employees.
Ito kasi ang isa sa nakikitaang paraan ng CSC hinggil sa utos na rightsizing ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang makatipid ang gobyerno.
Ang rightsizing ay layong bawasan ang mga tanggapan at kawani ng gobyerno na magkakapareho ang tungkulin upang gawing mas epektibo ang burukrasya.
Ayon kay CSC Commissioner Aileen Lizada, sa buong ASEAN countries ay Pilipinas ang may pinakamatandang optional retirement age na 60 at mandatory retirement age na 65.
Sinuportahan naman ito ng isang grupo ng government workers kung gagawing 56 ang optional retirement age at 60 naman para sa mandatory retirement age dahil makatatanggap naman ng pensyon ang mga empleyado ng gobyerno na nanilbihan ng 15 taon at nakapagbayad na ng kanilang GSIS contributionm.
Sa kabilang banda, may agam-agam ang ilang government employees kung sasapat ba ang matatanggap nilang pensyon sa kabila ng mas maiksing panahon ng pagbibigay ng kontribusyon sa Government Service Insurance System o GSIS.
Una nang sinabi ng GSIS na posibleng makaapekto sa makukuhang pensyon ng mga maagang magreretiro dahil sa mas maikling panahon ng pagbibigay ng kanilang kontribusyon.