Maaga nang nag-anunsyo ng class suspension ang ilang lokal na pamahalaan sa Ilocos Region dahil sa inaasahang epekto ng Bagyong Uwan sa rehiyon.
Sa Pangasinan, kanselado na ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Lunes, November 10, sa Dagupan City habang kabilang naman ang work suspension sa mga opisina sa Mangaldan.
Hanggang Martes naman ang class suspension sa lahat ng antas sa paaralan sa Bani.
Sa La Union naman, nag-anunsyo ang lokal na pamahalaan ng Naguilian ng class suspension sa Lunes sa lahat ng antas at paaralan maging sa San Juan kung saan kabilang ang work suspension sa mga pampublikong opisina.
Samantala, kanselado na rin ang klase at sa lahat ng paaralan sa Ilocos Norte simula Lunes hanggang Martes, November 11, habang epektibo naman ang isang araw na work suspension sa pampublikong opisina sa Lunes.
Hindi sakop ng work suspension ang mga opisinang tumutugon sa frontline emergency response habang iniiwan naman sa diskresyon ng mga pribadong kompanya ang suspensyon ng trabaho.
Layunin nitong masiguro ang kaligtasan ng publiko at magpokus sa paghahanda hanggang tuluyang bumuti ang lagay ng panahon.
Abiso ng awtoridad ang kooperasyon ng publiko kasabay ng pinalakas na koordinasyon ng iba’t-ibang ahensya upang maiwasan ang anumang hindi Magandang insidente sa kasagsagan ng bagyo.









