MAAPEKTUHAN | Higit isang milyong Pilipino na gumagamit ng Facebook, posibleng apektado ng malawakang data breach

Manila, Philippines – Nakipagpulong na ang National Privacy Commission (NPC) sa mga opisyal ng social media giant na Facebook kasunod ng malawakang data breach na kinasasangkutan ng British consultancy firm na Cambridge Analytica.

Nabatid na aabot 87 million FB users ang apektado ng data breach o ilegal na pagkuha ng mahahalagang impormasyon mula sa mga user.

Ayon kay NPC Commissioner Raymund Liboro, aabot sa higit 1.1 na milyong Pilipino ang posibleng maapektuhan nito.


Inilabas din ng Facebook na ang Pilipinas ay ikalawang bansa na may pinakamaraming users na apektado ng data breach, na sumunod sa Estados Unidos kung saan ang data ng 70 million users nito ay nalagay sa kompromiso.

Bukod sa Pilipinas at Amerika, apektado rin ang mga bansang Indonesia, Britain, Mexico, Canada, India, Brazil, Vietnam at Australia.

Simula sa Lunes (April 9), maghihigpit na ang Facebook sa pagbibigay ng data access sa mga third party applications.

Facebook Comments