Maasin, Iloilo – Parang nabunutan ng tinik sa lalamunan si Vice-Mayor Francis Amboy ng bayan ng Maasin, Iloilo matapos magnegatibo ang isinagawang search operation ng Iloilo Provincial Police Intelligence Office sa kanyang bahay kahapon ng madaling araw.
Sinabi ng bise-alkalde na nagpapasalamat siya sa mga pulis na hindi siya tinaniman ng ebedensya at walang nangyaring masama sa kanya.
Reaksyon ito ng bise-alkalde matapos lubos na takot ang kanyang maramdaman at naisip niyang katapusan na niya dahil ito ang nangyayari aniya sa mga politiko na ino-operate ng mga pulis.
Samantala, naisuko na ni Vice-Mayor Amboy ang kanyang 9 mm na baril noon pang Agosto 11, 2016 na siyang subject ng search warrant matapos nag-expire na ang rehistro nito noong 2014.
Ito mismo ang kinumpirma ni PCI Jonathan Pinuela, chief ng Intelligence Office ng IPPO base sa blotter ng Maasin PNP.
Gayunman, hindi na makita ang naturang baril at pinaniniwalaan na kabilang ito sa mga natangay ng mga NPA nang pasukin nila ang Maasin Police Station noong buwan ng Hunyo.