Pinagtitibay ng lokal na pamahalaan ng Mangatarem, Pangasinan ang kampanya para sa kalinisan at kaayusan sa pamilihang bayan upang mapabuti ang operasyon at karanasan ng mga mamimili.
Nitong linggo, nakipag dayalogo ang mga opisyal sa mga manlalako upang talakayin ang kanilang mga hinaing at suhestiyon hinggil sa kasalukuyang sistema ng pagtitinda.
Layunin ng hakbang na maipatupad nang maayos ang mga umiiral na ordinansa, kabilang ang tamang pamamahala sa basura, pagtatakda ng hangganan ng mga pwesto, at pagsasaayos ng mga daanan para sa mga mamimili at sasakyan.
Bilang insentibo, inanunsyo ng pamahalaan ang pagkilala at gantimpala sa pinakamalinis na pwesto sa palengke.
Samantala, ilang residente naman ang nagmungkahi online na limitahan ng mga manlalako ang paglalabas ng paninda upang hindi makasagabal sa daanan.
Tiniyak ng lokal na pamahalaan ang mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa upang mapanatili ang kaayusan at mapalakas ang patas na kalakalan sa pamilihan.











