Maayos na dayalogo, dapat isulong ng sektor ng transportasyon upang maiwasan ang muling pagsasagawa ng tigil pasada

Binigyang diin ni House Committee on Transportation Vice Chairperson at DUMPER-PTDA Party-list Rep. Claudine Diana Bautista-Lim, na mahalagang maisulong palagi ang pagkakaroon ng maayos na dayalogo sa pagitan ng gobyerno at sektor ng transportasyon para maiwasan ang muling pagsasagawa ng tigil-pasada.

Ang mungkahi ni Bautista-Lim, ay kasunod ng ikinasang strike ng ilang transport groups bilang pagtutol sa jeepney phase out na nakapaloob sa Public Utility Vehicle o PUV modernization program ng gobyerno.

Paliwanag ni Bautista-Lim, pinaka-mainam na idaan sa maayos na usapan ang mga isyung bumabalot sa programa dahil palagi namang bukas ang pamahalaan sa dayalogo kaugnay sa hangaring mapahusay ang sistema ng transportasyon sa bansa.


Hinggil dito ay plano ni Bautista-Lim na makipag-usap kay Transportation Secretary Jaime Bautista para maglatag ng mga mungkahi na makakapagpahusay sa PUV modernization program.

Kabilang dito ang pagbili ng locally-made modernized jeep, pag-aalok ng mas mahabang financing terms at dagdag na subsidiya para sa panig ng mga jeepney drivers at operators.

Facebook Comments