Iminungkahi ni Committee on Higher Education Chairman Senator Joel Villanueva na magkaroon ng mas masinop na kooperasyon sa mga ahensya ng edukasyon.
Tinukoy ni Villanueva ang Department of Education (DepEd), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Commission on Higher Education (CHED).
Ayon kay Villanueva, ito ay upang magkaroon ng mas malakas at iisang pagresolba sa krisis ng edukasyon na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Diin ni Villanueva, Kailangang magtulungan ang DepEd, TESDA at CHED katulad ng “tatlong campus ng isang paaralan at hindi tatlong magkakahiwalay na eskwelahan na independent sa isa’t isa.”
Sabi ni Villanueva, sa ganitong paraan makakabuo ng isang malinaw na estratehiya na makaaresolba sa mababang kalidad ng mga graduate sa lahat ng antas.
Sinabi ito ni Villanueva sa pinamunuan niyang pagdinig sa panukalang pag-amyenda sa charter ng CHED at congressional oversight committee na tatalakay sa naturang isyu.