Umapela ang mga myembro ng House Committee on Ecology at Ways and Means na pagtibayin ang panukala para sa komprehensibong “management” o pamamahala sa tinatawag na mga “hazardous waste,” na napapanahon ngayong may COVID-19 pandemic.
Ang House Bill 10527 ay nakalusot na sa dalawang komite kung saan iginiit ang kahalagahan na maprotektahan ang kalusugan ng mga mamamayan at ng kalikasan mula sa posibleng epekto ng hazardous waste.
Kasama rito ang mga health care waste, e-waste, at special household hazardous waste.
Ang “comprehensive national and local hazardous waste management program” ay magsusulong ng “pollution prevention”, ligtas at tamang paraan ng “disposal” o pagtatapon at pag-iimbak ng mga naturang basura, treatment at recycling at iba pa.
Kapag naging ganap na batas, ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay mangunguna sa pagpapatupad nito, kabilang ang pagbibigay ng tulong o insentibo para maitulak ang pag-aaral at mga programa para sa pamamahala ng mga nabanggit na basura.
Ang Department of Health (DOH) naman ay aatasan na magkaroon ng mga patakaran para sa ligtas na management sa infectious waste mula sa health care facilities.
Magsasanib-pwersa rin ang dalawang ahensya para sa “education and information campaign.”