
Pinatitiyak ni Senator Sherwin Gatchalian sa Department of Trade and Industry (DTI) na maayos ang pagpapatupad ng suggested retail price ng school supplies sa bansa.
Kaugnay nito ay nagpahayag si Gatchalian na welcome ang hakbang ng DTI na i-regulate ang presyo ng school supplies lalo’t maraming pamilya ang nagsisikap na mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang mga bata.
Hinimok ng mambabatas ang ahensiya na siguraduhing mapapangalagaan ang interes ng mga mamimili lalo na ang higit na nangangailangan.
Nanawagan din ang senador sa mga retailer na mahigpit na sumunod sa SRP at suportahan din ang mga programa ng gobyerno para gawing mas accessible ang edukasyon sa bansa.
Matatandaang nagsimula na ang DTI sa kanilang price monitoring ng school supplies kung saan nag-isyu sila ng price guide sa halos 200 produkto para sa muling pagbubukas ng klase.









