Maayos na transition para sa mga mahahalal na Barangay at SK officials, hiniling ng isang senador

Hinimok ni Senator Francis Tolentino ang Commission on Elections (COMELEC) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na magsagawa ng maayos na transition para sa mga bagong Barangay at SK officials.

Partikular na nais ni Tolentino na maging maayos ang lipatan ng tungkulin sa mga bagong opisyal sa barangay lalo pa’t may ibinaba na ruling ng Supreme Court na agad na uupo sa pwesto ang mga mananalo sa eleksyon.

Hinikayat ng senador si COMELEC Chairman George Garcia na magkaroon ng information drive tungkol dito ang komisyon at ang DILG.


Iminungkahi ni Tolentino na magkaroon ng transition kahit isang linggo dahil pagkatapos ng BSKE ay paggunita sa Undas naman ang aatupagin sa mga barangay.

Sa ganito aniyang paraan ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga bagong halal na barangay at SK officials na magkaroon ng maayos na turnover sa mga tungkulin.

Maliban dito, hiniling din ni Tolentino sa COMELEC na maglagay ng hotline para mayroong tatawagan tungkol sa mga pangyayari na may kinalaman sa gaganaping eleksyon sa Lunes.

Facebook Comments