Naalarma ang Pateros Local Government Unit (LGU) sa mababang bilang ng mga nagparehistro para sa bakuna sa COVID-19.
Bunga nito, muling hinikayat ng lokal na pamahalaan ng Pateros ang mga residente na magpalista na at wala silang dapat ikatakot sa pagpapaturok ng nasabing bakuna.
Nilinaw rin ni Pateros Mayor Ike Ponce na hindi naman lahat ng nagpalista ay tiyak nang matuturukan ng bakuna dahil dadaan pa ito sa evaluation.
Ayon pa sa alkalde, kailangan din kasi malaman ng lokal ng pamahalaan ang numero at kung sinu-sino ang dapat na mabakunahan.
Aminado si Ponce na naninigurado lamang ito na hindi masasayang ang pondo ng Pateros LGU para sa bakuna.
Ito rin aniya ang naging dahilan kaya natagalan ang bayan ng Pateros sa pagdedesisyon sa pag-order ng COVID-19 vaccines.
Ang Pateros ang may pinakamaliit na populasyon sa Metro Manila kaya maliit lamang din ang pondong inilaan para sa bakuna.
Sa pag-aaral ng national government, dapat 60% ng populasyon ng bawat bayan o lungsod ang mabakunahan.
Tinatayang nasa 80,000 lamang ang populasyon ng Pateros at sa ngayon mahigit 1,400 pa lamang ang nakapagrehistro.