Nababahala si Health Committee Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa mababang bilang ng mga Pilipinong regular na nagpapa-checkup.
Sa isang pag-aaral ng Capstone-Intel Corp na may 1,205 respondents, edad 18-anyos hanggang 65-anyos, lumalabas na 40 percent lang sa mga ito ang may annual o taun-taon nagpapa-checkup sa hospital.
Lumabas din sa pag-aaral na 33 percent sa mga respondent ang magpapatingin sa doktor kapag masama ang pakiramdam, 15 percent ang bibihirang magpakonsulta, 7 percent ang nagpapa-checkup kada dalawa o tatlong taon habang 4 percent ang hindi kailanman nakapagpa-checkup.
Giit ni Go, ang resulta ng pag-aaral ay malinaw na salamin sa kasalukuyang kalagayan ng healthcare system ng bansa.
Umapela ang senador sa pamahalaan na magsilbing wake-up call ito para agad na palakasin ang ating healthcare system at ang pangangailangan na mapadali ang access sa primary care, medical consultations at early detection ng mga sakit.
Mariin ding tinututulan ni Go ang panukalang P10 billion budget cut sa Department of Health sa 2024 na lalo lamang aniyang magpapalala sa healthcare gap sa mga Pilipino.