
Isinisisi ng Department of Finance (DOF) sa katiwalian sa flood control projects ang mababang kita ng bansa sa mga nakalipas na taon.
Sa budget hearing ng ahensya, pinuna ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na hindi nakamit ng gobyerno ang revenue target ng bansa sa nakalipas na tatlong taon.
Tinukoy ni Finance Secretary Ralph Recto na dahil sa mga isyu ng korapsyon sa mga ghost at substandard flood control projects ay naapektuhan ng husto ang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Nagtataka ang kalihim dahil sa laki ng ginagastos ng pamahalaan sa mga ganitong proyekto ay dapat mas malaki ang paglago at kitang na-ge-generate sa ekonomiya.
Paliwanag ni Recto, sa madaling salita, kung hindi napunta sa korapsyon ang bahagi ng budget sa maanomalyang flood control ay lumago na sana ng 6 hanggang 6.2 percent ang ekonomiya ng bansa at mas malaki sana ang koleksyon na kita ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).
Bukod sa flood control projects anomalies ay apektado rin ang kita ng bansa kapag hindi na-target ang GDP growth gayundin ng mga global challenges na kinakaharap ng maraming nasyon tulad ng global economic slowdown.









