Mababang lebel ng dissolved oxygen sa tubig ang tinitingnang dahilan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pagkamatay ng mga isda sa Manila Bay na naglutangan kahapon ng umaga sa may Baseco beach sa Tondo, Maynila.
Sa interview ng RMN Manila kay BFAR Chief Information Officer Nazario Briguera, batay sa water sample na nakuha, 0.11 milligram sa bawat litro ng tubig ang dissolved oxygen.
Aniya, dapat ay nasa 5 milligrams per liter ang “acceptable” na lebel ng dissolved oxygen para makahinga ang mga isda sa tubig.
Kaugnay nito, hindi naman masabi ni Briguera kung may direktang kaugnayan ang pagkamatay ng mga isda sa dolomite sand na ginagamit para sa Manila Bay nourishment project.
Una nang itinanggi ng Department of Environment and Natural Resources na ang dolomite sand na ginagamit para sa Manila Bay ang dahilan ng fish kill incident sa Baseco beach sa Tondo, Manila.