Mababang pondo para sa ayuda sa susunod na taon, ikinadismaya ng IBON Foundation; pahayag ni Finance Secretary Diokno na pag-aaksaya ng pondo ang pagbibigay ng cash aid, binatikos!

Dismasyado ang grupong IBON Foundation sa paglalaan ng gobyerno ng mababang pondo para sa ayuda sa ilalim ng proposed P5.268 trillion national budget para sa susunod na taon.

Giit ni IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, binigyang-prayoridad pa rin ng pamahalaan ang infrastructure at debt services na aniya’y hindi naman makatutulong sa economic recovery.

Aniya, mas mapagugulong ang ekonomiya ng bansa kung may panggastos ang mga ordinaryong Pilipino na problemado ngayon dahil sa nagtataasang presyo ng mga bilihin.


“Bumagsak nang malaki yung sa ayuda, tulong sa mga pamilya, sa mga walang trabaho at konting-konti lamang o kulang yung pagtaas [sa pondo] dun sa kalusugan at edukasyon. So sa’kin, yung klase ng budget na yan, hindi makakatulong sa economic recovery,” ani Africa.

“Mas malaki sana ang ibinigay na priority dun sa pagbibigay ng ayuda. Right now, kung namomroblema tayo sa pagtaas ng presyo ng bilihin, ibig sabihin no’n, kailangang punan ng gobyerno yung problemang kinakaharap ng mga ordinaryong Pilipino. And actually, itong ibinibigay na pera sa ordinaryong Pilipino, hindi na siya handout, tulong yan sa ekonomiya kasi gagastusin din nila yan sa lokal na ekonomiya e,” giit pa niya.

Nabatid na nasa P1.196 trillion ang panukalang budget para sa infrastructure program ng gobyerno sa 2023 na mas mataas ng 120.4% mula sa P75.8 billion na pondo para dito ngayong taon.

Habang nasa P197 billion lamang ang panukalang pondo para sa Department of Social Welfare and Development sa 2023 para sa pagtugon sa pangangailangan ng mga nasa marginalized at vulnerable sector.

Kaugnay nito, binatikos din ni Africa ang naging pahayag kamakailan ni Finance Secretary Benjamin Diokno na dapat nang ipatigil ng pamahalaan ang pagbibigay ng cash aid sa mahihirap na pamilyang naapektuhan ng COVID-19 pandemic dahil pagsasayang lang ito ng public funds.

Facebook Comments