Mababang produksyon ng gatas sa bansa, nakwestyon sa budget hearing sa Senado

Kinwestyon sa pagdinig ng budget sa Senado ang kakulangan sa produksyon ng gatas sa bansa.

Umaalma sina Senators Cynthia Villar at Nancy Binay sa Department of Agriculture (DA) dahil tila hindi ipinaglaban ng ahensya na dagdagan ang pondo ng National Dairy Authority (NDA) at Philippine Carabao Center (PCC).

Iginiit ni Villar, Chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food, na 1 percent lang ang milk production rate ng NDA at PCC at ang 99 percent ng kinakailangang suplay ng gatas ay iniimport pa.


Bukod dito, binawasan pa ang pondo ng dalawang ahensya sa 2024 kung saan sa P1.3 billion na hinihingi ng NDA sa 2024 ay P272 million lang ang alokasyong ibinigay ng DBM habang ang PCC na P1.4 billion ang original budget proposal ay nasa P711 million lang ang inaprubahan.

Iniugnay pa ni Villar ang kakulangan ng suplay ng gatas sa pagkatuto ng mga kabataan na posibleng maging dahilan pa para hindi umangat sa buhay.

Sinermunan ni Binay ang NDA at PCC na hindi dapat palaging umasa sa insertions na gagawin ng Kongreso at dapat maramdaman mismo sa mga ahensya ang pagbibigay nila ng importansya sa naturang sektor ng agrikultura.

Facebook Comments