Pinasisilip ni Senator Christopher “Bong” Go ang hanggang ngayon na mababang sahod ng mga nurses partikular na ang mga nasa pribadong ospital.
Iminungkahi ni Go na bumalangkas na ang pamahalaan ng mga polisiya para matiyak ang maayos na kompensasyon sa mga nurses at iba pang healthcare workers na isinasakripisyo ang kanilang buhay para sa pagbibigay ng serbisyong medikal.
Pinuna ng senador ang ilang pribadong pagamutan na sa kabila nang mataas na singil sa kanilang serbisyo sa mga pasyente ay mababa naman ang pasahod sa kanilang mga empleyado.
Para naman sa mga healthcare workers sa mga pampublikong pagamutan, umaasa si Go na maisasabatas ang kanyang panukala para sa Salary Standardization Law 5 (SSL5) upang maitaas ang sweldo ng mga ito.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na dapat lamang na bigyang importansya ang mga nurses kaya’t isinusulong din niya ang advance nursing education bill para sa mas maayos na nursing curriculum sa bansa.