Mabagal na pag-iisyu ng national ID, pinapaimbestigahan ng Senado

Pinaiimbestigahan ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang dahilan sa napakabagal na pag-iisyu ng national identification cards ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa Senate Resolution 585 na inihain ni Pimentel, inaatasan ang Blue Ribbon Committee na magsagawa ng pagsisiyasat tungkol sa delayed issuance ng mga national IDs.

Naniniwala ang senador na dahil sa hindi makatwiran at napakatagal na delivery ng national ID, mayroon na ritong paglabag at hindi pagganap sa tungkulin sa bahagi ng PSA, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at iba pang kaukulang ahensya para punan ang mandato sa ilalim ng Republic Act No. 11055.


Ayon kay Pimentel, mahalagang kumilos na rito ang gobyerno para resolbahin ang isyu at tiyaking ang lahat ng mga mamamayan ay may access sa kanilang national ID.

Dapat din aniya na makapagbigay ang pamahalaan ng malinaw na timeline kung kailan matatanggap ng mga Pilipino ang kanilang mga national IDs.

Maliban sa pagsilip sa delay ng pagbibigay sa national ID, marami ring reklamo tungkol sa inaccuracy o mga mali sa personal information at hindi malinaw ang larawan ng ilang indibidwal na ilan din sa mga bubusisiin.

Facebook Comments