Mabagal na paggastos ng PLLO, pinuna sa budget hearing ng Senado

Pinagpaliwanag ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) kaugnay sa mabagal nitong paggastos ngayong 2021.

Sinabi ito ni Lacson sa pagtalakay ng Senate Finance Subcommittee sa P146.4 million na proposed 2022 budget ng PLLO.

Pinuna ni Lacson na nitong Hunyo ay 36.3% o katumbas na P43.9 million pa lang ang nagagamit ng PLLO sa P120.8 na budget nito ngayong taon.


Paliwanag naman ni PLLO Usec. Antonio Gallardo, bumagal ang kanilang paggastos dahil sa mga ipinatupad na lockdowns na nakaapekto sa kanilang operasyon at mga programa.

Inihalimbawa ni Gallardo ang pagsasagawa ng virtual meetings sa halip na physical meetings kaya mas nakakatipid sila ng gastos sa pagkain at iba pang kailangan sa karaniwang paraan ng pagpupulong.

Inihayag din ni Gallardo na ngayong Setyembre ay tumaas na sa 46% ang utilization rate ng kanilang pondo at mayroon na silang mga inilatag na hakbang para makahabol sa huling bahagi ng taon.

Kinontra din ni Gallardo ang sinabi ni Lacson na dahil sa mabagal na paggastos ay bawasan na lang ang kanilang 2022 budget.

Giit ni Gallardo, kung bubuti na unti-unti ang sitwasyon ay babalik na sila sa kanilang dating mga ginagawa kaya kakailanganin ng pondo tulad sa pagtutok nila sa 12 panukalang batas na prayoridad ng Malakanyang.

Facebook Comments