Nag-init ang ulo ni Senator Raffy Tulfo kaugnay sa mga natatanggap niyang reklamo kaugnay ng mga umano’y katiwalian sa National Labor Relations Commission (NLRC) na attached agency ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa budget hearing ng DOLE at attached agencies nito, pinuna ni Tulfo ang reklamong natanggap niya sa kaniyang radio program kung saan hindi nakukuha ng mga complainants ang kanilang pera matapos manalo ang kasong inihain ng mga manggagawa laban sa kanilang employer.
Aniya, mahigit 10 taon ang hinintay ng mga lumapit sa kaniya pero hindi pa rin nila natatanggap ang pera o claims kahit nanalo sila sa NLRC.
Kaya naniniwala ang mambabatas na napapanahon nang gumawa ng paraan ang NLRC at DOLE upang hindi maulit ang napakatagal na pagkaantala ng claims ng benepisyo ng ahensya mula sa mga naipanalong kaso.
Bagama’t wala si NLRC Chairman Gerardo Benjamin Nograles sa pagdinig ng Senado, sinabi naman ng sponsor nitong si Senator Loren Legarda na handa ang ahensya na tanggapin ang listahan ng mga reklamo ni Tulfo para mapabilis ang paglalabas ng naturang claims.
Mababatid na humihirit ang NLRC ng 49.22 billion pesos na pondo para sa taong 2023.