Manila, Philippines – Pinapaimbestigahan ni Bayan muna PL Rep. Carlos Zarate sa Kamara ang mabagal na pagpoproseso ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng mga pasaporte.
Sa House Resolution 1608 na inihain ng mambabatas, inaatasan ang House Committee on Good Government and public accountability na siyasatin in aid of legislation ang alegasyon ng anomalya ng passport processing ng DFA.
Ang hakbang na ito ng kongresista ay bunsod na rin ng kaguluhan at kalituhan sa passport on wheels na inilunsad kamakailan sa Maynila kung saan dinagsa ng maraming tao ang passport application na dapat sana pala ay para lamang sa mga pre-registered applicants.
Nais ding alamin ng Kamara ang mga sindikato na nasa likod ng back-log ng passport applications, ang problema sa online passport application gayundin ang joint venture agreement para sa printing ng e-passports na napag-alamang wala palang approval ng DFA.
Dagdag ni Zarate, maaaring “tip of the iceberg” o ilan lamang ito sa mga nabanggit na problema sa pasaporte at posibleng may matuklasan pang malalaking problema kapag ito ay nasimulan nang imbestigahan ng Mababang Kapulungan.