Mabagal na proseso sa pagdating ng bakuna ng AstraZeneca, ikinadismaya ni Manila Mayor Isko Moreno

Ikinadismaya ni Manila Mayor Isko Moreno ang napakabagal na proseso sa pagdating ng bakuna laban sa COVID-19 na mula sa AstraZeneca.

Sa pahayag ng Alkalde, mayroon ng 200 milyon na indibiduwal sa buong mundo ang nabakunahan at napatunayang 90% sa mga nabakunahan ay nagkaroon nang pagbaba ng kaso ng virus.

Binanggit din ni Moreno na ang dalawa sa pinakamahirap na bansa sa buong mundo tulad ng Bangladesh at ang Myanmar na nakakaranas ngayon ng kudeta ay nakapagsagawa na ng initial vaccination.


Habang ang Pilipinas naman ay patuloy na naghihintay sa pagdating ng bakuna mula sa AstraZeneca na binayaran na ng initial na P38.4 milyon.

Sa kabila nito, patuloy na umaasa si Moreno na mabigyan ng pagkakataon na makakuha ng bakuna ang Pilipinas para magkaroon ng kapanatagan ang mamamayan lalo na ang mga Manileño.

Umaasa rin siya na ang binili ng national government ay dumating sa lalong madaling panahon.

Idinagdag din ng alklade na may mabuti pa ring dinudulot ang naaantalang pagdating ng AstraZeneca dahil nabibigyan ng pagkakataon ang bawat Manileño na makapag-isip kung magpapabakuna o hindi, lalo na ang sektor ng mga nag-aalinlangan.

Hinikayat din ni Moreno ang bawat mamamayan na magtiwala sa sistema at sa pamahalaan sa gitna ng nararanasang pandemya.

Facebook Comments