Inupakan ng Migrante International ang mabagal na paglilikas ng pamahalaan sa mga Pilipinong naiipit ng giyera sa Lebanon.
Ayon kay Joanna Concepcion, pangulo ng Migrante, marami ng Pinoy sa Lebanon ang nananawagan ng agarang repatriation subalit walang aksyon ang pamahalaan.
Ilan aniya sa mga Pinoy sa Lebanon ay nagmamakaawa nang mapauwi ng Pilipinas dahil sa mismong pinagtatrabahuhan na nila bumabagsak ang mga bomba ng Israel subalit pahirapan sa proseso.
Nagmamakaawa na rin ang Migrante International sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na bigyan sila ng pansin.
Una na ring inihayag sa DZXL RMN ng Pinay household worker sa Beirut na si Jocelyn Flores na dalawang beses na siyang nag-fill up ng form para sa repatriation pero hanggang ngayon ay walang nangyayari.
Kinumpirma rin ni Flores na maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) ang hindi isinasama ng kanilang employer sa paglikas kapag sunud-sunod ang pagbagsak ng mga bomba.