Binatikos ni Surigao Del Norte Representative Robert Ace Barbers ang usad-pagong pa ring roll-out ng Philippine Identification System (PHilSys) o National ID.
Higit pang ikinadismaya ni Barbers na tila wala rin itong saysay dahil hindi ito kinikilala o tinatanggap bilang proof of identity dahil sa walang lagda ng may-ari.
Ayon kay Barbers, anim na taon na ang nakalilipas ng maipasa ang Republic Act 11055 para sa National ID pero marami sa mga nag-apply para dito ang hindi pa rin nakakatanggap ng kanilang ID.
Bunsod nito ay hiniling ni Barbers sa Philippine Statistics Authority (PSA) na maglabas ng kabuuang bilang ng actual registration at ng mga naipamahagi ng ID.
Pinagpapaliwanag din ni Barbers ang PSA kung bakit hindi nakasaad sa mga nai-release na ID ang 12-digit permanent identification numbers para bawat Pilipino at resident alien.