Mabigat na parusa sa mga nambabato ng sasakyan, isinulong sa Kamara

Isinulong ni Probinsyano Ako Party-list Representative Rudys Caesar Fariñas na mapatawan ng mabigat na parusa ang sinumang mahahatulan dahil sa pambabato ng anumang matitigas na bagay sa mga sasakyan.

Nakapaloob sa House Bill 6262 na inihain ni Fariñas na ang gagawa nito ay papatawan ng 25-taong kulong at multa na P100,000, kasama ang civil liabilities para sa pagpapaayos ng nasirang sasakyan at medical expenses kung may mamatay dahil dito.

Mahaharap naman sa limang taong kulong at multang P15,000 at bayad sa pagpaayos ng sasakyan, medical expenses at rehabilitasyon, sakaling nagdulot ito ng “physical injury” o pinsala sa biktima.


Kung walang nasaktan o nasawi dahil sa pambabato ng sasakyan, ang may-sala ay makukulong ng isang taon, multang P10,000 at gastos sa repair ng sasakyan.

Kung ang nahatulan dahil sa pambabato ng sasakyan ay mayroong professional driver’s license, ito ay kukumpiskahin at habambuhay na itong hindi iisyuhan ng lisensya.

Layunin ng panukala ni Fariñas na maprotektahan ang publiko lalo na ang mga motorista at pasahero laban sa mga mapanganib na aksyon ng ibang mga tao tulad ng pambabato sa mga sasakyan.

Facebook Comments