Mabigat na parusa sa pamemeke ng medical certificate, test results at vaccination cards, isinulong sa Senado

Inihain ni Senator Richard Gordon ang Senate Bill No. 2315 na layuning pabigatin ang parusa laban sa mapapatunayang nameke ng medical certificate, test results at vaccination cards.

Ang nabanggit na mga kasalanan, base sa Article 174 ng Revised Penal Code ay may parusa ngayong pagkakakulong na hanggang anim na taon at multa na hindi lalagpas sa 200,000 pesos.

Pero nais ni Gordon na mas pabigatin pa ang parusa rito sa panahon na may national health emergency tulad ng kasalukuyang COVID-19 pandemic.


Ang hakbang ni Gordon ay kasunod ng mga reports ukol sa isang printing shop sa Caloocan City na ni-raid ng mga otoridad dahil sa paggawa ng mga pekeng COVID-19 certificates.

Tinukoy rin ni Gordon ang napaulat na may ilang turista sa Boracay at ilang pasahero sa Davao airport ang nagpresenta ng pekeng COVID-19 tests habang may isang clinic naman sa Valenzuela City ang inireklamo ng paglalabas ng pekeng RT-PCR test results.

Facebook Comments