Isinusulong ng Sangguniang Panglungsod sa Dagupan City ang isang ordinansa na magtatakda ng mas mabigat na parusa o penalty sa mga lalabag ukol sa pagbabawal sa paggamit at paggawa ng ilegal na paputok.
Bunsod ito ng insidente ng pagsabog ng kumpirmadong ilegal na pagawaan ng paputok sa Barangay Bacayao Norte noong mismong araw ng pasko na nagresulta sa pagkakasawi ng dalawang indibidwal at labing tatlong katao na nagtamo ng minor injuries.
Hindi naman umano nagkulang ang pamahalaang lokal at mga katuwang na ahensya sa pagpapaalala sa mga residente ukol sa panganib na maaaring idulot ng mga malalakas at ipinagbabawal na paputok.
Suhestyon din ng alkalde ng lungsod ang mas pinaigting at pinalakas pang koordinasyon sa pulisya at ng mga barangay upang matiyak na sumusunod ang mga residente at maiwasan ang disgrasya at casualties.
Binigyang diin naman ng hanay ng pulisya na patuloy ang kanilang hanay sa pagbabantay sa lungsod pati ang pagdagdag ng itatalagang pulis sa ilan pang lugar na nangangailangan ng pwersa partikular ngayong holiday season.
Sa kasalukuyan, nasa P20,000-P30,000 ang multa at pagkakakulong ng anim na buwan hanggang isang taon bukod pa sa kanselasyon ng lisensya at pagkompiska sa mga ilegal na produkto ang ipapataw sa mga mahuhuling lalabag.










