Mabigat na problema sa singil sa tubig, pinasosolusyunan sa Pangulo

Manila, Philippines – Hiniling ni Gabriela Representative Emmi De Jesus kay Pangulong Duterte na solusyunan ang mabigat na problema ng publiko sa pagtaas ng singil sa tubig.

Giit ni De Jesus, sa halip na atupagin ng Pangulo ang mga pang-i-insulto at pasaring nito sa simbahan at sa Diyos, bigyang pansin na lamang nito ang pahirap na mataas na singil sa tubig ng Manila Water at Maynilad.

Ngayong buwan ng Hulyo ay balak ng Manila Water na magtaas ng P8.30/cubic meter o dagdag na P250 kada buwan sa mga kumukunsumo ng 30 cubic meters habang sa Maynilad naman ay P11 per cubic meter ang dagdag na singil o P330 sa monthly bill ng mga kumukunsumo ng 30 cubic meters kada buwan.


Aniya, dapat ay solusyon sa mga ganitong problema ang naririnig ng taumbayan at kung hindi anu-anong panlalait sa simbahan, personalidad o ibang mga sektor ang naririnig ng mga tao sa Pangulo.
Kinalampag ni De Jesus ang Administrasyong Duterte na isailalim na sa government regulation at ibase sa actual water rate hike ang singil sa tubig.

Kasabay nito ay pinaaalis ng lady solon ang concession agreement na pinasok ng MWSS mula nang ito ay maisapribado para matanggal na rin ang Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) at loan terms na siyang dahilan ng napakataas na singil sa tubig.

Facebook Comments