Hiniling ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee ang pagsasagawa ng mabilis at malalimang imbestigasyon kaugnay sa umano’y maanomalyang pagbebenta ng imbak na bigas ng National Food Authority o NFA.
Hirit ito Lee makaraang maglabas ang Office of the Ombudsman ng suspension order sa dalawa pang opisyal ng NFA na kinabibilangan ni acting Administrator Piolito Santos at acting Department Manager for Operation and Coordination Jonathan Yazon.
Giit ni Lee, dapat maging mabilis at patas ang imbestigasyon upang malaman ang katotohanan sa anomalya sa ahensya at agarang mapanagot ang dapat managot, at siguruhing makabalik agad sa trabaho ang mga kawaning nadamay lang at walang kasalanan.
Pinapatiyak din ni Lee na habang isinasagawa ang imbestigasyon ay kailangang siguruhin na hindi mapaparalisa ang operasyon ng NFA dahil kapag nangyari ito, kawawa lalo ang ating mga lokal na magsasaka na nagdurusa na sa epekto ng El Niño.
Muli ay ipinalala ni Lee na tungkulin ng NFA na mapagaan ang pasanin ng mga lokal na magsasaka, makatulong sa mga consumer na makabili ng mas murang bigas at maghatid ng agarang ayuda sa mga apektado ng sakuna at hindi ‘yong pinalalaki pa nila ang kita ng mga mapagsamantalang trader.