Mabilis na access ng mga OFW sa civil registration services, ipinasisilip ng isang senador

Pinasisilip ni Senator Joel Villanueva ang pagkakaroon ng mabilis na access ng mga Overseas Filipino Worker (OFWs) sa civil registration services.

Sa pagdiriwang ng Migrant Workers’ Day, tinukoy ng senador ang mga ulat kung saan nahihirapan ang mga OFW na ipawasto ang kanilang mga civil registration record dahil kinakailangan pa nilang bumalik ng bansa at magpunta sa angkop na ahensya ng gobyerno para iproseso ang kanilang request.

Iginiit ni Villanueva ang pangangailangan na makapagbigay ng agarang civil registration services sa mga OFW sa gitna ng mga ulat ng kawalan ng access sa kanilang mga record.


Sinabi ni Villanueva na dapat naipapatupad at natutulungan na ang mga OFW ng batas na Republic Act 9048 kung saan binibigyan ng otorisasyon ang city o municipal registrat o ang consul general para maiwasto ang clerical o typographical error sa entry o pagpapalit ng pangalan o impormasyon sa civil register na hindi na kinakailangan pang kumuha ng judicial order.

Ipinunto pa ng mambabatas na 37 percent lang ng mga OFW ang nakakatanggap ng bayad na vacation leaves kaya imposible o mahirap para sa isang OFW na umuwi ng Pilipinas para ayusin ang civil registration records.

Facebook Comments