Inutos na ng Department of Health (DOH) ang mabilis na contact tracing operations sa Cordillera Administrative Region (CAR) matapos maitala ang labindalawang indibidwal na positibo sa UK variant ng COVID-19 sa bayan ng Bontoc, Mountain Province at isang kaparehong kaso sa La Trinidad, Benguet.
Sa DOH Virtual Press Conference, sinabi ni DOH-CHD-CAR Director Dr. Ruby Constantino, bumuo na ang DOH ng unit na may 60 na trained contact tracers na ipapadala sa nasabing rehiyon upang magsagawa ng contact tracing operations.
Aniya, sumailalim sa kanilang supervison ang mga team members na magmumula ng Region 1, 2 at 3 at Regional Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Disease.
Sinabi ni Bontoc, Mountain Province Mayor Franklin Odsey, ang naturang nagpositibo sa B.1.1.7 na kinilalang case No.51 ay galing sa United Kingdom at nahawaan niya ang 11 nitong kamag-anak na dumalo sa kanilang pagtitipon.
Sa ngayon, nakalabas na ang ilan sa mga kamag-anak ng pasyente bagamat isinasailalim ang mga ito sa mahigpit na monitoring.
Sinabi naman ni La Trinidad, Benguet Mayor Romero Salda na nagpapatuloy ang kanilang contact tracing sa nagpositibo sa kanilang lugar dahil wala itong travel history sa labas ng bansa.
Aniya, isinumite na rin sa Philippine Genome Center ang samples ng dalawang direct contact ng naturang pasyente.
Dagdag pa niya, sumailalim kahapon sa re-swabbing ang pasyente at anim na katao na may direct contact nito.
Samantala, sa DOH Virtual Press Conference rin, sinabi ni Contact Tracing Czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na posibleng nakapasok na sa Baguio City ang UK variant ng COVID-19 dahil malapit ito sa La Trinidad, Benguet kung saan may naitalang panibagong isang kaso ng nasabing variant ng sakit.
Ayon kay Magalong, isa sa dahilan ay ang regular na nagpupunta ang mga taga Benguet gayundin ang mga taga Bontoc, Mountain Province sa nasabing lungsod.
Dagdag pa niya, base sa kanilang datos ng traffic count sa boundary ng La Trinidad at Baguio City ay nakakapagtala sila ng nasa mahigit 800 na sasakyan araw-araw na pumapasok at lumalabas sa Baguio City.
Kaya naman mas mahigpit nilang ipinapatupad ang safety and health protocols kung saan may mga inaresto na rin at pinatawan ng penalty dahil sa hindi pagsunod ng istriktong minimum public health standards.