Mabilis na internet connection sa bansa, matatagalan pa; P300-B na pondo, kakailanganin para sa digitalization

Aminado ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na mangangailangan ng malaking pondo para maisaayos ang internet connectivity sa bansa.

Ayon kay DICT Usec. Manny Caintic, noong 2019 ay humiling sila sa Kongreso ng P24 billion hanggang P36 billion para sa proyektong “digital roads of the future” ngayong taon.

Paliwanag ni Caintic, para talagang magawa ang digitalization at mabilis na internet connection sa bawat sulok ng bansa ay mangangailangan ng pondong P300 billion kada taon.


Inamin din nito na matatagalan pa bago maabot ng internet connectivity ang mga tahanan lalo na sa mga malalayong lugar.

Sa ngayon aniya ay mas pinapalakas nila ang kanilang mga “tech4ed centers” na nakapwesto sa mga barangay at LGUs kung saan maaaring pumunta doon ang mga estudyante na walang internet at i-download ang kinakailangan module o aralin na gagawin.

Hiniling din ni Caintic sa mga kongresista na para mapabilis ang internet ay dapat mag-invest ang bansa sa content delivery network tulad ng zoom upang hindi malaki ang gastos sa bandwidth at para nasa Pilipinas na mismo ang server.

Sa ilalim naman ng National Broadband Program ng DICT ay nakatutok ito ngayon sa paglalatag ng mas maraming fiber backbone, cable landing stations, pagtatayo ng mga towers, fiber build at satellite overlay.

Facebook Comments