Mabilis na pag-apruba sa 2021 budget, hindi labag sa Konstitusyon

Wala umanong nilalabag sa Konstitusyon si Speaker Alan Peter Cayetano matapos ang hakbang nito na i-terminate ang budget deliberation at aprubahan sa ikalawang pagbasa ang 2021 General Appropriations Bill o ang ₱4.5 trillion na 2021 national budget.

Paliwanag dito ni Deputy Speaker Neptali Gonzales II, pinagbatayan umano ni Cayetano para sa mabilis na pag-apruba sa pambansang pondo ang Section 55 ng House rules at hindi ito labag sa Saligang Batas katulad ng ipinalalabas ng mga kritiko.

Giit pa ni Gonzales, hindi rin minadali o sinagasaan ang proseso ng pagpapasa sa budget dahil kahit naman wala ang naging mosyon kahapon ni Cayetano ay aabutin pa rin ng dalawa hanggang tatlong linggo bago ito mai-print at pagtibayin sa huling pagbasa.


Dinepensahan din ni Gonzales ang pagkakalikha ng small committee para sa individual at committee amendments.

Aniya, madalas naman itong binubuo sa ilalim ng appropriations panel na humahawak ng national budget.

Dagdag pa ng kongresista, malinaw na binibigyang kapangyarihan ang Kongreso sa ilalim ng Konstitusyon na magtakda ng sariling rules at bahagi na ito ng Kamara mula pa noong umpisa.

Facebook Comments