Mabilis na pag-apruba sa social pension ng mga senior citizens, iniapela

Manila, Philippines – Umapela si Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate kay House Speaker Gloria Arroyo na bilisan na ang pag-apruba sa panukala para sa dagdag na social pension sa mga senior citizens.

Itinutulak ng Bayan Muna ang pagtataas sa social pension ng mga senior citizens para makaagapay sa tumataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.

Ayon kay Zarate, buwan pa ng Pebrero noong nakaraang taon nang ihain ang House Bill 3934.


Pero, taong 2011 pa nang simulan na nilang ihain ang panukala para sa dagdag na pensyon sa mga senior citizens.

Sa ilalim ng House Bill 3934, itataas ang dagdag na social pension sa P1,000 mula sa dating P500 para sa lahat ng senior citizens na tumatanggap lamang ng P3,500 na buwanang pensyon.

Kahapon ay lumusob sa Batasan ang mga senior citizens at ipinanawagan ang dagdag na social pension para sa mga matatanda sa bansa.

Facebook Comments