Mabilis na pagkalat ng Delta variant ng COVID-19, ikinabahala ng isang health advocate

Nababahala na ang health advocate at dating special adviser ng National Task Force (NTF) against COVID-19 na si Dr. Tony Leachon dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng Delta variant.

Mula sa online media forum ng Manila Overseas Press Club (MOPC) na pinamumunuan ng presidente na si Mr. Eric Canoy na chairman din ng Radio Mindanao Network (RMN), inihayag ni Dr. Leachon na mabilis kumalat at lubhang mapanganib ang Delta variant ng COVID-19.

Kaya’t dahil dito, kinakailangan pa ring paigtingin ang tinatawag niyang “Four Pillars to control COVID-19” tulad ng testing, isolation, contact tracing at quarantine.


Iginiit ni Dr. Leachon na kailangang maglaan ng pondo ang pamahalaan sa testing o pagsusuri ng mga indibidwal.

Dagdag pa niya, sa sandaling matukoy aniya na negatibo sa pagsusuri ang isang indibidwal ay dapat payagan na ito na makapagtrabaho at kung positibo naman ay hindi dapat palabasin ng tahanan.

Aniya, kinakailangan din na mag-adjust ang gobyerno sa ikinakasa nilang mga programa kontra COVID-19 upang mas maging epektibo ito.

Ayon kay Dr. Leachon, ang kahalagahan ng bakuna ang siyang pinaka-importante sa lahat upang maproteksyunan ang pamilya, ang komunidad at para makamit ang herd immunity.

Aniya, ang pagbabakuna ang tanging paraan upang tuluyan na rin magbukas ang ekonomiya at tumungo na rin ang bansa sa tinatawag na “new normal” na pamumuhay.

Facebook Comments