Mabilis na paglaganap ng online gambling at online lending, pinasisiyasat ng isang senador

Pinaiimbestigahan ni Senator JV Ejercito sa Senado ang mabilis na paglaganap ng online gambling at online lending sa Pilipinas.

Naniniwala si Ejercito na dapat na masilip ito dahil mas malaking banta na ngayon sa mga Pilipino ang online gambling kumpara sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na ang target naman ay mga foreign nationals.

Sa inihaing resolusyon ni Ejercito, tinukoy nito na naging malawak na aktibidad na sa mga Pilipino ang online gambling kung saan pati mga minimum wage earners, Overseas Filipino Workers at kahit mga menor-de-edad ay nalululong dito dahil sa accessibility sa mga smartphones at paggamit ng mga e-wallet application.

Nakasaad din sa resolusyon na nakadagdag sa lalong pagka-adik ng mga kababayan sa online gambling ang convenience ng mabilis na paggamit ng e-wallets at digital financial services.

Bukod dito, sa mismong mga mobile phone applications ng e-wallets ay doon makikita ang ibang mga serbisyong iniaalok kasama na ang paglalaro ng online gambling katulad na lamang ng “scatter”.

Sinabi ni Ejercito na ang dating itinuturing na pamatay oras o paminsan-minsang paglilibang ay nakakasira na ngayon ng buhay hindi lamang sa financial wellbeing ng mga Pilipino kundi pati na rin sa relasyon sa pamilya.

Facebook Comments