
Iniutos ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na bilisan ang pagpapatibay sa National Wage Bill na layuning magtakda ng iisang minimum wage sa buong bansa kasabay ng pagbuwag sa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.
Tugon ito ni Dy sa manifesto na isinumite sa kanya ng ilang mga kongresista, sa pangunguna ni House Committee on Labor and Employment chairman Rep. Jolo Revilla, kasama ang iba’t ibang kinatawan mula sa labor sektor, kabilang ang mga manggagawa, trade unionists, at labor advocates.
Diin ni Dy, gobernador pa lang siya ay ipinaglalaban na niya ang mataas na sweldo kaya sang-ayon siya na marapat lang magkaroon ng patas at unified wage system sa buong bansa.
Sa ilalim ng panukala, ililipat sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang pagtatakda ng sahod na nagtataguyod sa prinsipyo ng pantay na sahod para sa pantay na trabaho.
Dahil lusot na sa komite na pinamumunuan ni Revilla, tatalakayin na ang bill sa plenaryo sa susunod na linggo at inaasahang maipapasa para sa Labor Day.










