Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mapabilis ang pagpapatupad ng five-point consensus peace plan para maresolba ang krisis sa Myanmar.
Ginawa ng pangulo ang pahayag sa kanyang intervention speech sa 41st ASEAN Summit Retreat sa Phonm Penh sa Cambodia.
Ayon sa pangulo, nanawagan siya sa kanyang mga kapwa ASEAN leaders na tutukan ang panawagang ito para sa kapakanan at proteksyon ng mga taga-Myanmar.
Giit ng pangulo, una nang nakipagkasundo ang Myanmar sa ASEAN leaders na ipapatupad ang five-point consensus peace plan noong April 2021 sa Jakarta, Indonesia.
Kaya umaasa at panawagan ng pangulo sa namumuno ngayon sa Myanmar na makiisa sa agarang pagpapatupad ng peace plan para matapos na ang karahasan sa Myanmar.
Partikular na panawagan ng pangulo ang dialogues sa Myanmar military at opposition government para matapos sa lalong madaling panahon ang krisis sa Myanmar.
Hinikayat naman ni Marcos ang mga ASEAN leader na ipagpatuloy lang ang constructive approach sa pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder sa Myanmar na may malinaw na vision ito ay ang people-centered at people-oriented.
Bukod sa isyu sa Myanmar, binanggit din ng pangulo sa kanilang pagpupulong ang iba’t ibang isyu na nakakaapekto sa Southeast Asian Region, katulad ng post-pandemic recovery, China-Taiwan cross-strait relations at Russia-Ukraine conflict.