Mabilis na pagpasa sa panukalang E-Governance Act and E-Government Act, tiniyak ng liderato ng Kamara

Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang agarang pagpasa ng panukalang E-Governance Act and E-Government Act sa pagbabalik ng kanilang session sa November 7.

Layunin ng panukala na i-digitalize ang mga record ng gobyerno para mapabilis ang paghahatid ng sebisyo sa publiko at maalis ang red tape sa mga transaksyon sa pamahalaan.

Kaugnay nito ay sinabi ni Romualdez, na bumuo na ng technical working group ang House Committee on Information and Communications Technology na pinamumunuan ni Congressman Toby Tiangco para ma-consolidate ang dalawang magkaugnay na panukala ukol sa E-Governance Act at E-Government Act.


Ang pahayag ni Romualdez, ay tugon sa panawagan ni Pangulong Marcos na ipasa ang naturang panukala para makasunod ang Pilipinas sa ibang mga bansa sa larangan ng digital economy.

Binanggit naman ni Romualdez na sa Mababang Kapulungan ay sinimulan na ang digitalization project.

Ayon kay Romualdez, kaugnay nito ay isang team mula sa Kamara sa pangunguna ni House Secretary General Reginald Velasco ang nakipagpulong sa mga kinatawan ng Congressional Research Service of the Library ng United States Congress sa Washington DC.

Facebook Comments